Thursday, March 24, 2011

diyaspora

isa lang ako sa dinadami-dami ng mga pilipinong nars na nag-hahangad na mag-ibang bansa para tustusan ang gastos sa bahay, pagkain, at matrikula ng mga kapatid. kasalukuyang akong nagrereview para sa aking NCLEX. hindi ko lubusang maisip kung bakit kailangang kong iwan ang aking lupang sinilangan para lang sa salapi ng mga kano.
sa totoo lang, hindi ko talaga gusto ang nursing. nakatatak kasi sakin ang isang imahe na utusan lang ng doktor ang isang nars. gusto ko maging doktor, pero hindi kaya ng aking mga magulang ang matrikula. hindi ko naman sila masisi, pero may ga-hiblang poot at galit na natira sa puso ko.
sana naging doktor na lang si mommy, para mayaman na kami at naging doktor din ako.”
“sana hindi nagloko si daddy, para hindi na sila naghiwalay.”
ngayon lisensyado na ko, hindi naman ako makatulong sa mga gastos sa bahay. masyadong matagal ang anim na buwan na walang sweldo, tapos hindi pa garantisadong matatanggap ka sa ospital na nag “volunteer” ka. ikaw na ang nagbayad, ikaw pa ang hahabol sa mga ospital. humalo ang kapitalismo sa ospital, wala na akong magagawa dun. pera pera na ang usapan.
alam ko na mahirap pumasok bilang isang nars sa ospital, mapa probinsya man o sa maynila. alam ko rin na hindi sapat ang sweldo ng isang nars para tustusan ang pangangailangan ng pamilya. kaya sinubok kong pumasok sa call center, at doon ko natanto na nasasayang ang ang inaral ko ng apat na taon, ang dugo at pawis ng aking mga magulang upang mapagtapos lang ako ng aking kurso. kaya ko ba naisipang maghanap ng trabaho sa ibang bansa? malamang oo.
naiisip ko rin ang takot na mag-isa lang ako sa isteyts. wala akong kasama, wala akong katulong, wala akong kaibigang matatakbuhan kung magkaproblema man ako. siyempre, ma-mi-miss ko rin ang buhay sa pinas lalong lalo na ang mga tao sa buhay ko. hanggang ngayon, hindi pa rin lubusang kumalma ang isip ko. kahit anong pilit kong isipin na para sa pamilya ko to, may onting pag-tanggi pa rin akong nararamdaman. normal na siguro yun. ayoko rin naman kasing mabansagang sutil na anak. buong buhay ko, naging mabait akong anak. pero sana maintindihan din nila na mahirap kayang mawalay sa kinalakihan mong bahay, sa kinalakihang mong mga tao, sa kinalakihang mong mga kaibigan. sa madaling salita, mahirap. kakayanin ko ba? dapat lang, pero ewan ko, ayaw ko.
malapit lapit na at magiging kasapi na ko sa diyaspora.
--------------------------------------------------------
wow, i posted that? shiz.

No comments:

Post a Comment